Thursday, November 29, 2018

Si Prinsipe Bantugan

Si Prinsipe Bantugan

Philippine literature



Si Prinsepe Bantugan (Buod ng Epikong Muslim)

"Higit na malapot ang dugo kaysa tubig. Ang kapatid ay kapatid, ang tawag ng dugo ay malakas... hindi mapagwawalang bahala. Mananaig at mangingibabaw ang pagmamalasakit sa sariling dugo’t laman."

Ang kaharian ng Bumbaran ay pinamumunuan ni Haring Madali. Kapatid niya si Prinsipe Bantugan, isang makisig at kilabot sa tapang na mandirigma. Ang kanyang kamay, sampu ng kanyang sandata’y salot sa kalaban kung kaya’t walang sinumang mangahas na dumayo't lumusob sa Bumbaran. Ang tagumpay niya sa pakikidigma’y bukambibig sa lahat ng Bayan.

Palibhasa'y makisig, matapang at malakas, maraming paraluman ang kanyang naakit at napaibig. Subalit ang kaligayahang walang kawangis na tinatamasa niya'y di naglaon. Nahalinhan ito ng dusa't pagtangis. Dumating ang panahong di iba't kapatid na rin niya ang pumawi at nagkait ng kaligayahan. Ang mga prinsesang kasintahan niya'y pinagbawalang siya’y ibigin at kung hindi sila'y parurusahan. Gayundin, binawalan ang mga taong siya’y kausapin. Ang lahat ng ito’y dahil sa pangingimbulong umusbong sa puso ng hari sa nakikitang katanyagan ng kapatid sa mga tao. Dahil dito, binawi niya ang lahat ng mga karapatan ng kapatid.

Sa tindi ng sama ng loob, si Prinsipe Bantugan ay kusang lumayas at iniwan ang sariling bayan na may subyang sa puso. Sa kanyang paglilibot, siya'y sinamampalad. Dinapuan siya ng masamang sakit at namatay siya sa pinto ng palasyo sa kaharian ng Lupaing Nasa Pagitan ng Dalawang Dagat na tinatahanan ni Prinsesa Datimbang, kapatid ng isang haring bantog sa yaman at lakas.

Sa nangyaring ito, naligalig ang buong kaharian. Walang nakakikilala sa prinsipe. Nag-aalala silang masangkot sa pagkamatay nito. Nguni’t higit sa lahat ang balisang nadama ng prinsesa, sa unang pagkamalas pa lamang sa bankay ng prinsipe’y tinubuan na siya ng pag-ibig dito. Tinawag ng hari ang kanyang konseho upang humingi ng payo subalit wala silang maibigay kaya ipinag-utos ng hari na ilagay sa katre ang bangkay, at gayakan ito ng mga bulaklak at mga kandila sa isang silid ng palasyo. Ipinag-utos na ipatunghay ito sa mga tao sa pag-asang may makakakilala sa bangkay.

Samantala, sa isang punongkahoy ay may limang lorong nag-uusap. Napansin ng apat na loro na malungkot ang lorong taga-Bumbaran, kaya inusisa nila ito. Malungkot na ipinagtapat nito na matagal na panahon na niyang hindi nakikita o nababalitaan man lamang ang kanyang panginoong si Prinsipe Bantugan. Pagkarinig nito, ibinalita ng lorong taga-Babalay-Anona ang pagkamatay ng isang prinsipe sa Lupaing Nasa pagitan ng Dalawang dagat. Ang lorong Bumbaran ay di umimik at mabilis na lumipad at tinungo ang Lupaing Nasa Pagitan ng Dalawang dagat.

Pagdating doon, agad hinanap ng loro si Prinsesa Datimbang at hiniling na Makita ang bangkay na naroroon. Nanlumo at nawalan ng lakas ang loro nang makita’t makilala ang bangkay ng kanyang mabunying prinsipe. Salamat sa maagap na pagsaklolo ng prinsesa at nanumbalik ang lakas ng loro. Ipinagtapat ng loro na ang bangkay ay si Prinsipe Bantugan ng Bumbaran, isang lalaking laging handang sumaklolo sa nangangailangan at isang walang takot na mandirigma.

Pinakiusapan ng hari ang loro na bumalik sa Bumbaran at ibalita kay Haring Madali ang sinapit ng kapatid na prinsipe. Subali’t ayaw iwan ng loro ang kanyang panginoon. Sa masuyong pamanhik ng prinsesa, napabinuhod ang loro. Pagkaraan ng anim na araw na paglipad, isang hatinggabi nang sapitin ng loro ang palasyo ng Bumbaran. Kasalukuyan pang gising ang mga datu dahil sa isang bungang-tulog ni Haring Madali. Sa harap ng hari at mga datu, ibinalita ng loro ang sinapit ng kanilang prinsipe. Nang marinig ni Haring Madali ang sinapit ng kapatid, labas siyang nasindak. Ang pakiramdam niya’y binagsakan siya ng langit at lupa.

Noon din, kasama ang pamangking si Mabaning, si Haring Madali ay umalis at tila palasong napailanlang sa rurok ng langit. Sa tanging silid sa langit na kinaroroonan ng mga laluluwa, hinanap ni Mabaning ang boteng kinalalagyan ng kaluluwa ni Bantugan. Kinuha niya ito at hiniling nila ni Haring Madali sa bathala na muling ipagkaloob sa kanila ang kaluluwa ni Bantugan. Nagbalik sila sa Bumbaran na taglay ang kaluluwa ng prinsipe.

Gayon na lamang ang pagkagulat nila nang Makita nila ang maraming binta sa pampang ng Bumbaran. Pagpasok nila ng palasyo, nabungaran nila ang maraming taong nakapaligid sa bangkay ni Prinsipe Bantugan Naroon ang maraming mutyang umibig at nagmamahal sa kanya. Naroon din si Prinsesa Datimbang ng Lupaing Nasa pagitan ng Dalawang dagat.

Lumapit si Haring Madali sa bangkay ng kapatid. Samantala, inalisan ng tapon ni Mabaning ang boteng kinalalagyan ng kaluluwa ni Bantugan. Ang kaluluwa ay dagling lumisan at lumutang sa hangin at payapang tinungo ang bangkay ng prinsipe. Muling huminga… at muling nabuhay si Prinsipe Bantugan. Bumangon ito at tumanaw sa kanyang paligid. Lumapit si Haring Madali at niyakap ang kapatid. Gayon na lamang ang katuwaan ng lahat.

Samantala, ang balitang namatay si Prinsipe Bantugan ay labis na ikinatuwa ng maraming hari at datu na naghihintay lamang ng pagkakataong lusubin at sakupin ang Bumbaran. Isa sa mga ito si Haring Miskoyaw, ang mahigpit na kaaway ni Prinsipe Bantugan… isang haring may asal hayop at kinatatakutan ng maraming bayan.

Kasalukuyang nagsasaya ang kaharian sa muling pagkabuhay ng prisipe nang Makita ng isang tauhan ng hari ang paglusob ng mga binta ni Miskoyaw. Noon din ay nagsipaghanda ang mga taga-Bumbaran. Gayon na lamang ang pagkabigla at pagkatakot ng mga dayuhan nang Makita nilang buhay si Prinsipe Bantugan. Taglay nito ang kanyang kampilan, siya'y inilipad sa kaitaasan ng kanyang kalasag. Tinangkang umurong ng mga dayuhan subali't huli na’t di na sila makaiwas. Sa bawa't wasiwas ng kampilan ni Bantugan ay nawawasak ang binta na kanyang tamaan. Maraming buhay ang nangalagas.

Palibhasa'y kagagaling pa lamang sa kamatayan, madaling mahapo't nanghina ang mabunying prinsipe hanggang hindi na niya maitaga ang kanyang kampilan. Nang Makita ito ng mga kaaway, nagsibalik sila. Nasukol nila ang prinsipe, ginapos at ikinulong sa isang silid ng binta ni Miskoyaw. Pinabantayan siya upang di makaalpas. Patuloy ang paghahamok. Maraming buhay na ang nalagas sa magkabilang panig.

Sa pagkakapiit na iyon ng prinsipe, dagling nanauli ang dati niyang lakas at sigla. Pagkatapos lagutin ang pagkakagapos sa kanya, kinuha ang kanyang kampilan at sa pamamagitan ng isang taga ay bumukas ang pinto. Muling nakipaghamok siya sa mga kaaway hanggang sa tuluyan niyang magapi ang mga ito.

Nang wala nang digmaan, nilibot ni Prinsipe Bantugan ang kanyang mga kasintahan at kanyang pinakasalan ang bawa't isa. Naging maligaya ang kanyang mulling pagbabalik sa kaharian ng Bumbaran. Pati ang kanyang kapatid na si Haring Madali ay bukas ang dibdib na sumalubong sa kanya. Ipinagbunyi ng lahat ang kanyang tagumpay at pagbabalik.

No comments:

Post a Comment