Tuesday, June 6, 2023

Ang Tunay Na Sampung Utos

Ang Tunay Na Sampung Utos

Philippine literature , Ang Tunay Na Sampung Utos ni Apolinario Mabini


Ang Tunay Na Sampung Utos

Ni Apolinario Mabini


Sino ang makapagsabing ang isang may kapansanan ay walang pakinabang? Isang malaking pagkamali sapagka’t sa tulad ni Apolinaryo Mabini, masasabi nating siya ay may dahilang kaisipang nakakapagpagising, nakakapagpaalala at nakapaghatid ng mga pahayag na magsisilbing liwanag upang maging makatao, maka- diyos at makabayan.
Una –Ibigin mo ang Diyos at ang iyong karangalan ng higit sa lahat ng bagay. Ang Diyos ay batis ng lahat ng katotohanan, ng lahat ng karunungan, at ng lahat ng gawain; at ang karangalan mo’y siyang tanging kapangyarihang mag-uutos sa iyo na ikaw ay maging matapat, mabait at masipag.
Ikalawa- Sambahin mo ang Diyos sa paraang minabuti at minarapat ng iyong budhi; sapagka’t sa iyong budhi, na humatol sa masama mong gawa at pumupuri sa mabuti ay nakakausap mo ang Diyos.
Ikatlo- Linangin mo ang mga sadyang katangiang kaloob sa iyo ng Diyos, sa paggawa at pag-aaral ayon sa iyong kakayahan, na di lumalayo sa landas ng kagalingan at katarungan, upang matamo ang sariling kadalisayang ikatutupad mo sa tungkuling ipinataw sa iyo ng Diyos sa buhay na ito at sa ganito, ikaw ay parangalan at sa dangal mong ito’y luluwalhati ang Diyos sa iyo.
Ikaapat – Ibigin mo ang iyong bayang sunod sa Diyos at sa iyong karangalan at mahigit sa iyong sarili; pagka’t ang bayan mo’y siyang tanging paraisong kaloob ng Diyos sa iyo sa buhay na ito, ang tanging lupang tinubuan ng iyong lahi, ang tanging pamana ng iyong ninuno at ang tanging pag-asa ng iyong kinabukasan; dahil sa bayan mo, ikaw ay may buhay, pag-ibig, kapakanan, ligaya, karangalan, at Diyos.
Ikalima- Pagsumikapan mo ang kaligayahan ng iyong bayan una kaysa sarili mo, na gagawin mo siyang maging kaharian ng katwiran, ng katarungan at ng paggawa pagka’t kung ang bayan mo ay maligaya, ikaw at sampu ng iyong pamilya ay magiging maligaya rin.
Ikaanim – Pagsumikapan mo ang kasarinlan ng iyong bayan; pagka’t ikaw lamang ang maaring magkaroon ng tunay na adhika sa kanyang ikauunlad at ikatatayog, sapagka’t ang kanyang kasarinlan ay siyang magbibigay ng iyong kalayaan; ang kanyang kaunlaran ay siyang panggalingan ng iyong kagalingan; at ang kanyang katayuan ay siyang pagkukunan ng sarili mong luwalhati at paka walang kamatayan.

Ikapito- Huwag mong kilalanin sa iyong bayan ang kapangyarihan nino mang hindi inihalal mo at ng iyong mga kababayan; sapagka’t ang kapangyarihan ay galing sa Diyos, at dahil sa ang Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan ng budhi ang kabuuan ng mga tao ang siyang tanging maaaring gumamit ng tunay na kapangyarihan.
Ikawalo- Pagsumikapan mong makapagtatag ng isang Republika at kailan may hindi ng isang kaharian para sa iyong bayan; sapagka’t ang huli’y nagpapatayog sa isa o iilang pamilya lamang at may paghaharing marahan, ang una’y makapagpaparangal at nagpapagiging marapat sa isang lahi sa pamamagitan ng katwiran, nakapagpapasaya na at nagpapaningning sa pamamagitan ng paggawa.
Ikasiyam- Mahalin mo ang kapuwa tao gaya ng pagmamahal mo sa sarili: sapagka’t ikinatang ng Diyos sa kanya at sa iyo rin ang tungkuling ikaw ay tulungan at huwag gawin sa iyo ang hindi niya nais na gawin mo sa kanya; nguni’t kung ang kapuwa mo, na di makatupad sa ganitong tungkulin ay maghangad ng laban sa iyong buhay, kalayaan at kapakanan, sa ilalim ng batas ng pagtatanggol sa sarili ay igagapo mo siya’t lilipunin.
Ikasampu- Itatangi mo ang iyong kababayang higit sa kapuwa mo; ipalagay mo siyang kaibigan, kapatid o kasamang kaugnay mo sa iisang kapalaran, kasukob sa ligaya at lungkot at sa magkakatulad na hangarin at kapakanan.


No comments:

Post a Comment

Amazing Price

Big Sale Price Samsung Galaxy Php.99.00 Click the link below if you want the product.

Click Here To Buy